Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
Pinagsabihan ni Elifaz si Job
15 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
3 Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
4 Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
5 Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
at iyong pinipili ang dila ng tuso.
6 Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.
7 “Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
8 Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
9 Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10 Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
mas matanda pa kaysa iyong ama.
11 Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
o ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso,
at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13 na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14 Ano(A) ang tao na siya'y magiging malinis?
O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15 Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
17 “Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18 (Ang isinaysay ng mga pantas,
at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19 sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21 Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
at siya'y nakatakda para sa tabak.
23 Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24 kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25 Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26 tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
na may makapal na kalasag;
27 sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28 at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29 hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30 Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31 Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32 Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34 Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”
Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig(A) ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.
29 Kung(B) ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno.
30 At(C) kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno.
Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(D)
31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’
32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.
Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(G) din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.’
34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;
35 kahit(I) ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.
36 Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001