Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 77

Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.

77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
    ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
    hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
    ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
    ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]

Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
    hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
    nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
    ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
“Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
    Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
    Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
    Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
    para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”

11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
    ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
    magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.

13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
    at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
    iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
    ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[c]

16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
    pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
    at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
    na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.

18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
    ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
    pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
    ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
    ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
    si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!

Nehemias 9:9-15

“Nakita(A) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[a]
10 Gumawa(B) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
    laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
    sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(C) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
    at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
    parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(D) mo sila ng haliging ulap kung araw,
    at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(E) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
    at kinausap mo ang iyong bayan.
    Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
    mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
    at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.

15 “Nang(F) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
    at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
    sa kanila'y ipinangako mong ibigay.

Roma 14:13-15:2

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iba

13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. 19 Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.

Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.