Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
39 Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.
40 “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog. 41 Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal. 42 At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh. 43 Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili. 44 At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang mga Selyo
6 Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong sinabi ng isa sa apat na buháy na nilalang, sa tinig na sinlakas ng kulog, “Halika!”[a] 2 At(A) nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop.
3 Nang alisin ng Kordero ang pangalawang selyo, narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!”[b] 4 Isa(B) namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang alisin(C) ng Kordero ang pangatlong selyo, narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!”[c] Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. 6 May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!”
7 Nang alisin ng Kordero ang pang-apat na selyo, narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!”[d] 8 Isang kabayong maputla ang nakita ko at ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan. Nakasunod sa kanya ang Daigdig ng mga Patay.[e] Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang alisin ng Kordero ang panlimang selyo, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa pagpapatotoo nila rito. 10 Sumigaw sila nang malakas, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Gaano pa katagal bago ninyo hatulan at parusahan ang mga tao sa daigdig na pumatay sa amin?” 11 Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang(D) alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag(E) mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naglaho(F) ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla. 15 Nagtago(G) sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. 16 At(H) sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero! 17 Sapagkat(I) dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?”
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
7 Pagkatapos(J) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 “Huwag(K) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.