Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 121

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Ezekiel 1:26-2:1

26 Sa(A) ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao. 27 Mula(B) sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw, 28 na ang kulay ay parang bahaghari.

Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig.

Ang Pagsusugo kay Ezekiel

Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.”

Mga Gawa 26:1-18

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”

Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:

“Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.

“Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Matagal(A) na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! Bakit(B) hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?

“Akala(C) ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”

Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(D)

12 “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. 14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. 16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. 18 Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.