Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

1 Cronica 12:16-22

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda

16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:

“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”

Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases

19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.

Pahayag 21:5-14

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(A) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(B) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(C) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(D) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.