Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19 Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20 Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21 Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22 Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:
Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman ang sabihin niya sa inyo.
23 Mangyayari na ang bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang iyon ay malilipol mula sa mga tao.
24 Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25 Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:
Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng sambahayan sa lupa.
26 Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.
Copyright © 1998 by Bibles International