Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari
32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.
33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tinatangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.
Ang Salita ng Buhay
1 Siya na buhat pa nang pasimula ay aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming namasdan at nahawakanng aming mga kamay. Siya ang Salita ng buhay.
2 Ang buhay ay nahayag at nakita namin ito at aming pinatotohanan. Isinasalaysay namin sa inyo ang buhay na walang hanggan na iyon na kasama ng Ama na nahayag sa amin. 3 Siya na aming nakita at narinig ay isinasalaysay namin sa inyo upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikipag-isa sa amin. Tunay na ang pakikipag-isa ay sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo. 4 Sinusulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang malubos ang ating kagalakan.
Pamumuhay sa Liwanag
5 Ito nga ang pangaral na narinig namin sa kaniya at ipinahahayag namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman.
6 Kung sinasabi nating tayo ay may pakikipag-isa sa kaniya ngunit lumalakad naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. 7 Ngunit kung lumalakad tayo sa liwanag, tulad niyang nasa liwanag, may pakikipag-isa tayo sa isa’t isa. Ang dugo ni Jesucristo na kaniyang anak ang naglilinis sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang salita niya ay wala sa atin.
2 Munti kong mga anak, sinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kapag nagkasala ang sinuman, mayroon tayong isang Tagapagtanggol sa Ama, si Jesucristo, ang matuwid. 2 Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.
Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad
19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.
Nagpakita si Jesus kay Tomas
24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.
25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.
26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.
30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
Copyright © 1998 by Bibles International