Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jesus ay Muling Nabuhay sa mga Patay
16 Pagkalipas ng Sabat, bumili ng pamahid na pabango si Maria na taga-Magdala at si Maria, na ina ni Santiago at si Salome upang pahiran siya.
2 Maagang-maaga sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sila sa libingan sa pagsikat ng araw. 3 Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang magpapagulong para sa atin ng bato sa bukana ng libingan?
4 Nang tumingin sila pataas, nakita nila na naigulong na ang bato sapagkat ito ay napakalaki. 5 Nang pumasok sila sa loob ng libingan, nakita nila ang isang binatang nakaupo sa gawing kanan na nakasuot ng puting kasuotan. Dahil dito sila ay lubhang nanggilalas.
6 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong manggilalas. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Nagbangon siya! Wala siya rito! Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan sa kaniya. 7 Ngunit humayo kayo at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ay makikita ninyo siya gaya ng sinabi niya sa inyo.
8 Pagkalabas nila sa libingan, nagmamadali silang tumakbo na nanginginig at nanggigilalas at dahil sa takot, wala silang sinabing anuman sa kaninumang tao.
Copyright © 1998 by Bibles International