); Wisdom 4:7-15 (The righteous are rewarded); Acts 7:59—8:8 (Stephen is stoned to death) (Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon))
Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
7 Sa kabilang dako, ang taong matuwid at banal,
mamatay man nang bata pa, ay mapapanatag.
8 Ang marangal na katandaan ay di sinusukat sa haba ng buhay
o sa dami ng taong inilagi dito sa balat ng lupa.
9 Ang Karunungan at katuwiran ay malilinaw na palatandaan ng hustong kaisipan,
at siya ring sukatan ng tunay na pinagkatandaan.
Ang Halimbawa ni Enoc
10 Si(A) Enoc ay namuhay nang kalugud-lugod sa Diyos.
Napamahal siya sa Diyos kaya't siya ay kinuhang buháy
samantalang namamayan pa sa gitna ng mga makasalanan,
11 upang ang kanyang puso't diwa
ay huwag nang mahawa sa kasamaan at panlilinlang.
12 Sapagkat pinalalabo ng kasamaan ang kagandahan ng kabutihan,
at ginugulo ng masamang pita ang walang malay na isipan.
13 Sa maikling panahon ay narating niya ang lubos na kabanalan
na di maabot ng marami sa loob ng mahabang panahon.
14 Naging kalugud-lugod nga siya sa Panginoon,
kaya't siya'y kinuha agad mula sa makasalanang paligid.
15 Nakita ng mga tao ang kanyang pag-alis ngunit hindi nila naunawaan,
wari'y hindi maabot ng kanilang isipan
na pinagpapala at kinahahabagan ng Diyos ang kanyang mga hinirang,
at iniingatan ang kanyang banal na bayan.
59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”
At pagkasabi nito, siya'y namatay.
Inusig ni Saulo ang Iglesya
8 Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.
Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. 2 Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.
3 Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4 Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. 5 Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. 6 Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. 7 Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling 8 kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
by