Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Nakipagtipan ang Diyos kay Noe
9 Si(A) Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. 3 Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. 4 Huwag(B) lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. 5 Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.
6 Sinumang(C) pumatay ng kanyang kapwa,
buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.
7 “Magkaroon(D) nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”
8 Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, 9 “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”
32 Magpapatuloy(A) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(B) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(C) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(D) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.
May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(E) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(F) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.
39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.
by