Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 124

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Isaias 54:1-10

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel

54 “Umawit(A) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
    kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
    palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
    pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
    aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
    at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.

Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
    sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
    hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
    ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
    kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.

Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
    isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
“Sandaling panahon kitang iniwanan;
    ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
    ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.

“Noong(B) panahon ni Noe, ako ay sumumpang
    hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig.
Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo,
    at hindi na kita paparusahan muli.
10 Maguguho(C) ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig,
    ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho,
    at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.”
Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.

Mateo 24:23-35

23 “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 25 Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo.

26 “Kaya't(A) kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.

28 “Kung(B) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”

Ang Pagparito ng Anak ng Tao(C)

29 “Pagkatapos(D) ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 30 Pagkatapos,(E) lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. 31 Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(F)

32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”