Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 21

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
    dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
    ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[a]

Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
    dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
    ng mahabang buhay, na magpakailanman.

Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
    dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
    ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
    dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
    bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
    sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
    sapagkat sila'y lilipulin ng hari.

11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
    walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
    sila'y uurong at patatakbuhin.

13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
    Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.

Isaias 41:14-20

14 Sinabi pa ni Yahweh,
“Israel, mahina ka man at maliit,
    huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita.
Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
15 Gagawin kitang tulad ng panggiik,
    na may bago at matatalim na ngipin.
Iyong gigiikin ang mga bundok at burol,
    at dudurugin hanggang maging alabok.
16 Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin;
    pagdating ng bagyo ay pakakalatin.
Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh,
    at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.

17 “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan,
    na halos matuyo ang kanilang lalamunan,
akong si Yahweh ang gagawa ng paraan;
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
18 Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol,
    aagos ang masaganang tubig sa mga libis;
gagawin kong lawa ang disyerto,
    may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
19 Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar,
    kahoy na olibo at saka ng mirto;
    kahoy na sipres, alerses at pino.
20 At kung magkagayon,
    makikita nila at mauunawaan
na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    ang gumawa at lumikha nito.”

Roma 15:14-21

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(A) tulad ng nasusulat,

“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”