Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 42

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Isaias 29:17-24

17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
    at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
    at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
    ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
    makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
    at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
    gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
    mga sinungaling na saksi
    at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.

22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
    tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
    ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
    na ginawa kong dakilang bansa,
    makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
    at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”

Mga Gawa 5:12-16

Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit

12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.