Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
23 Sa isang dako, dahil pinigilan sila ng kamatayan upang magpatuloy, kinakailangan ang maraming saserdote. 24 Sa kabilang dako naman, dahil si Jesus ay nabubuhay magpakailanman, siya ay may pagkasaserdoteng mananatili magpakailanman. 25 Kaya nga, ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya ay maililigtas niya nang lubusan, yamang siya ay nabubuhay magpakailanman upang siya ay mamagitan sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na ibigay sa atin ang ganitong uri ng pinakapunong-saserdote. Siya ay banal, walang kapintasan at malinis. Siya ay nahihiwalay sa mga makasalanan at itinaas siya ng Diyos na mataas pa sa kalangitan. 27 Siya ay hindi natutulad sa ibang mga pinunong-saserdote na kailangang maghandog ng mga handog araw-araw, una para sa kaniyang mga kasalanan. At pagkatapos ay maghahandog sila ng mga handog para sa mga kasalanan ng ibang tao. Sapagkat kaniyang ginawa ito nang minsan at magpakailanman, nang ihandog niya ang kaniyang sarili. 28 Sapagkat ang kautusan ay nagtatalaga ng mga pinunong-saserdote na mga taong may kahinaan. Ngunit ang salita ng panunumpa na dumating pagkatapos ng kautusan ay nagtalaga sa anak na pinaging-ganap magpakailanman.
Nakakita ang Bulag
46 Sila ay dumating sa Jerico. Habang si Jesus na kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao ay papalabas sa Jerico, ang bulag na si Bartimeo na anak ni Timeo ay nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.
47 Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang naroon, nagsimula siyang sumigaw. Sinabi niya: O anak ni David, Jesus, mahabag ka sa akin.
48 Sinaway siya ng napakaraming tao upang tumahimik. Ngunit lalo siyang sumigaw: Anak ni David, mahabag kasa akin.
49 Huminto si Jesus at ipinatawag siya.
Tinawag nila ang bulag na sinasabi: Lakasan mo ang iyong loob, tumindig ka, tinatawag ka ni Jesus.
50 Itinapon niya ang kaniyang balabal, tumindig at lumapit kay Jesus.
51 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ano ang nais mong gawin ko sa iyo?
Sumagot ang bulag at sinabi: Guro, nais kong matanggap ang aking paningin.
52 Sinabi ni Jesus: Humayo ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Kaagad tinanggap ng bulag ang kaniyang paningin. Siya ay sumunod kay Jesus sa daan.
Copyright © 1998 by Bibles International