Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 1:1-4

Ang Anak ay Higit kaysa mga Anghel

Noong una, ang Diyos ay nagsalita sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamama­gitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak.

Siya ay hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan din niya, nilikha ng Diyos ang mga kapanahunan. Siya ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na kapahayagan ng pagka-Diyos ng Ama. Siya ang humahawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang gawin ang paglilinis sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasang dako. Yamang siya ay higit pang dakila sa mga anghel, ang pangalan na kaniyang minana ay higit pa kaysa sa kanilang pangalan.

Hebreo 2:5-12

Ginawa ng Diyos na si Jesus ay Maging Tulad ng Kaniyang mga Kapatid

Sapagkat hindi ipinailalim ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siyang ating sinasabi.

May nagpa­totoo sa isang dako:

Ano ang tao upang alalahanin mo siya? O, sino ang anak ng tao upang pagmalasakitan mo siya?

Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang mababa kaysa mga anghel. Pinutungan mo siya ng kaluwal­hatian at karangalan. Ipinailalim mo sa kaniya ang lahat ng gawa ng iyong mga kamay. Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kaniyang mga paa.

Sapagkat nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniya walang anumang bagay na hindi ipinasakop sa kaniya. Ngunit sa ngayon ay hindi pa natin nakikita ang lahat ng bagay na napailalim sa kaniya.

Ngunit nakikita natin si Jesus. Sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa kaysa sa mga anghel na dahil sa kahirapan sa kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Ito ay upang sa pamamagitan ng biyaya Diyos ay tikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.

10 Ang lahat ng mga bagay ay para sa Diyos at siya ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nang siya ay magdala ng maraming anak sa kaluwahatian, nararapat na gawin niyang ganap ang may akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng kahirapan. 11 Sapagkat siya na nagpapaging-banal at ang mga pinaging-banal ay kabilang sa iisang sambahayan. Kaya ito ang dahilan na kung tawagin niya silang mga kapatid ay hindi siya nahihiya. 12 Sinabi niya:

Ipahahayag ko ang pangalan mo sa aking mga kapatid. Aawitin ko ang iyong papuri sa gitna ng iglesiya.

Marcos 10:2-16

Ang mga Fariseo, na lumapit kay Jesus, ay nagtanong upang subukin siya: Matuwid ba sa lalaki na palayasin ang kaniyang asawa?

Sumagot si Jesus na sinasabi sa kanila: Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?

Sumagot sila: Ipinahintulot ni Moises na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at palayasin siya.

Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong puso sinulat niya para sa inyo ang utos na ito. Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.

Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang asawa. Ang dalawa ay magiging isang laman

kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman.

Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

10 Sa bahay, siya ay muling tinanong ng kaniyang mga alagad patungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawa. 12 Gayundin kapag pinalayas ng babae ang kaniyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya rin.

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

13 Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway ng mga alagad ang nagdala sa mga bata.

14 Subalit lubhang nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. 16 Nang makalong ni Jesus at maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga bata, pinagpala niya sila.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International