Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para sa mga Taga-Efeso
14 Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
15 Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa. 16 Ito ay upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay palakasin niya kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu. 17 Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 18 Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo. 19 Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.
20 Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin. 21 Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.
Ang Pagpapakain ni Jesus sa Limang Libong Lalaki
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias.
2 Maraming mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa sa mga maysakit. 3 Si Jesus ay umakyat sa bundok at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad. 4 Malapit na ang araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.
5 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe: Saan tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga ito? 6 Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya kung ano ang kaniyang gagawin.
7 Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang bawat isa sa kanila.
8 Isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya: 9 Mayroong isang batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?
10 Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa dakong iyon kaya umupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-kumulang sa limang libo. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay. Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya ito sa mga alagad at ipinamahagi naman ng mga nila sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang ibigin.
12 Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang. 13 Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng labindalawang bakol ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito kanilang sinabi: Totoong ito na nga ang propeta na darating sa sanlibutan. 15 Nalaman ni Jesus na sila ay papalapit at siya ay susunggaban upang gawing hari. Dahil dito siya ay umalis at pumuntang muli na nag-iisa sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
16 Nang magtakipsilim na, lumusong ang kaniyang mga alagad sa lawa.
17 Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng lawa patungong Capernaum. Dumilim na at hindi pa nila kasama si Jesus. 18 Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang lawa ay naging maalon. 19 Nang sila ay nakagaod na ng may lima o anim na kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako ito, huwag kayong matakot. 21 Malugod nga nilang pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa lupa na ng kanilang pupuntahan.
Copyright © 1998 by Bibles International