Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 21:27-39

Dinakip Nila si Pablo

27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya.

28 Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29 Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?

At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?

38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International