Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nagkakaisa kay Cristo
11 Kaya nga, alalahanin ninyo na kayo ay dating mga Gentil sa laman. Mga tinawag na hindi nasa pagtutuli niyaong mga nasa pagtutuli sa laman na gawa ng kamay.
12 Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga ihiniwalay sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako. Wala kayong pag-asa at wala kayong Diyos sa sanlibutan. 13 Sa ngayon, kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati. 15 Sa pamamagitan ng kaniyang katawan, pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos. Ginawa niya ito upang magawa niya sa kaniyang sarili na ang dalawa ay maging isang bagong tao, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan. 16 At upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na dito ang pag-aalitan ay pinatay niya. 17 Sa kaniyang pagdating, inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay kapwa may daan patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.
19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. 20 Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si Jesucristo ang siya mismong batong-panulok. 21 Sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago sa isang banal na dako sa Panginoon. 22 Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
30 Ang mga apostol ay magkakasamang nagkatipun-tipon kay Jesus at iniulat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa at itinuro.
31 Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumama kayo sa akin sa isang ilang na dako at mamahinga sandali. Dahil marami ang pumaparoon at pumaparito, wala na silang panahong kumain.
32 Kaya umalis silang lulan ng bangka patungo sa isang ilang na dako. 33 Nakita sila ng napakaraming tao sa kanilang pag-alis, at marami ang nakakilala kay Jesus. Nagtakbuhan sila mula sa lahat ng mga lungsod at nauna pang dumating sa kanila. Sama-sama silang lumapit kay Jesus. 34 Pagkalunsad ni Jesus, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila sapagkat sila ay parang mga tupang walang pastol. Sinimulan niyang turuan sila ng maraming bagay.
53 Nang sila ay nakatawid na ng lawa, dumating sila sa lupain ng Genesaret at dumaong sa dalampasigan. 54 Sa kanilang paglunsad mula sa bangka kaagad na nakilala ng mga tao si Jesus. 55 Sa paglibot ng mga tao sa paligid, sinimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. Dinadala nila ang mga maysakit saan man nila mabalitaang naroroon siya. 56 Saan man pumasok si Jesus, maging sa nayon, o lungsod o karatig pook ay inilalagay nila sa mga pamilihang dako ang mga maysakit. Ipinamamanhik nila sa kaniya na payagan silang mahipo man lamang ang laylayan ng kaniyang damit. Lahat ng nakahipo sa kaniya ay gumaling.
Copyright © 1998 by Bibles International