Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
2 Corinto 12:2-10

May alam akong isang lalaki na na kay Cristo. Hindi ko alam kung ito ay sa katawan o wala sa katawan, ang Diyos ang siyang nakakaalam. Labing-apat na taon na ang nakalipas, ang lalaking ito ay inagaw paitaas sa ikatlong langit. May alam akong isang lalaki. Kung ito ay sa katawan o wala sa katawan hindi ko alam, ang Diyos ang nakakaalam. Siya ay inagaw paitaas sa paraiso at nakarinig ng mga salitang hindi mabibigkas. Hindi ito ipinahihintulot na sabihin sa tao. Magmamalaki ako patungkol sa lalaking ito, ngunit hindi ako magmamalaki patungkol sa aking sarili maliban sa aking kahinaan. Ito ay sapagkat ibig ko mang magmalaki, ako ay hindi magiging hangal dahil totoo ang aking sasabihin. Magtitiis na lang ako at baka may mag-isip sa akin nang higit pa sa nakikita niya sa akin o anumang naririnig patungkol sa akin.

Upang hindi ako magmataas dahil sa kalakhan ng mga pahayag sa akin, ibinigay sa akin ang tinik sa laman. Ito ay sugo ni Satanas na magpapahirap sa akin upang hindi ako magmataas. Dahil dito, ipinamanhik ko nang tatlong ulit sa Panginoon na ito ay maalis sa akin. Sinabi niya sa akin: Sapat sa iyo ang aking biyaya dahil ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan. Kaya nga, lalo akong magmamapuri sa aking kahinaan upang manahan sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya nga, ako ay malulugod sa mga kahinaan, sa mga panlalait, sa pangangailangan, sa pag-uusig, sa kagipitan alang-alang kay Cristo sapagkat kung kailan ako mahina, saka ako malakas.

Marcos 6:1-13

Ang Propetang Walang Karangalan

Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling lalawigan. Sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

Nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Ang maraming nakarinig ay nanggilalas.

Sinasabi nila: Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya?

Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae? Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila.

Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: Ang isang propeta ay may karangalan maliban sa sarili niyang bayan, kamag-anak at sambahayan. Si Jesus ay hindi makagawa roon ng himala maliban lamang sa iilang maysakit. Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang kamay at sila ay pinagaling. Namangha siya dahil sa kanilang di-pananampalataya. Gayunman pumunta siya sa mga nayon at nagturo roon.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

Tinawag niya ang labindalawang alagad. Sila ay isinugo niyang dala-dalawa at binigyan ng kapamahalaan laban sa mga karumal-dumal na espiritu.

Inutusan niya sila na huwag magdadala ng anumang bagay sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Hindi rin sila pinagdadala ng pamigkis o tinapay o salapi sa bulsa. Pinagsusuot sila ng sandalyas. Gayundin hindi sila pinagsusuot ng dalawang balabal. 10 Sinabi niya sa kanila: Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang kayo ay umalis. 11 Ang sinumang hindi tumanggap o makinig sa inyo, sa pag-alis ninyo roon, ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong talampakan. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Higit na mabigat ang parusa sa lungsod na iyon kaysa sa parusa sa Sodoma at Gomora sa araw ng paghuhukom.

12 Sa kanilang paghayo, ipinangaral nila sa mga tao na magsisi. 13 Gayundin, maraming mga demonyo ang kanilang pinalabas, pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International