Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 46

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Genesis 3

Nagkasala ang Tao

Ang(A) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”

At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;

subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”

Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.

Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”

Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.

At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.

Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.

Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”

10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”

11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”

12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”

13 Sinabi(B) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”

Ang Diyos ay Naggawad

14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,

“Sapagkat ginawa mo ito
    ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
    at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
    at alabok ang iyong kakainin
    sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(C) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
    at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
    at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”

16 Sinabi niya sa babae,

“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
    manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
    at siya ang mamumuno sa iyo.”

17 At(D) kay Adan ay kanyang sinabi,

“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
    at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
    ‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
    Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
    at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
    ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
    sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
    at sa alabok ka babalik.”

20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[a] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.

21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.

Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan

22 Sinabi(E) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”

23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.

24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.

Mateo 7:1-6

Ang Paghatol sa Kapwa(A)

“Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.

Sapagkat(B) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?

O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?

Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001