Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36 ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17 Sumiping[a] si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc.
18 Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21 Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22 Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23 At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita.
Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24 Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain,
tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25 Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26 Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang mga Naging Anak ni Adan(A)
5 Ito(B) ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos.
2 Lalaki(C) at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin.
3 Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set.
4 Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.
5 Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(A) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(B) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(C) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(D) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(E) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(F) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(G) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001