Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 46

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Genesis 2:4-25

Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,

ngunit may isang ulap[a] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.

At(A) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.

Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.

At(B) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.

10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.

11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;

12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.

13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.

14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15 Kinuha ng Panginoong Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.

16 At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, “Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan,

17 subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.”

18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”

19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.

20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.

Nilalang ang Babae mula sa Lalaki

21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;

22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.

23 At sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
    at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
    sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”

24 Kaya't(C) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.

25 Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya.

Roma 9:6-13

Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;

ni(A) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”

Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.

Sapagkat(B) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”

10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.

11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,

12 na(C) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

13 Gaya(D) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001