Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 46

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Genesis 1:1-2:4

Ang Kasaysayan ng Paglalang

Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit[a] at ang lupa.

Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman samantalang ang Espiritu ng Diyos[b] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig.

At(A) sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag.

Nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at ibinukod ng Diyos ang liwanag sa kadiliman.

Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang unang araw.

Sinabi(B) ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at paghiwalayin nito ang tubig.”

Ginawa ng Diyos ang kalawakan at ibinukod ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa tubig na nasa itaas ng kalawakan. At ito ay nangyari.

Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalawang araw.

Sinabi ng Diyos, “Magtipon ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako at hayaang lumitaw ang lupa.” At ito ay nangyari.

10 Tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa at ang tubig na natipon ay tinawag niyang mga Dagat. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.

11 Sinabi ng Diyos, “Sibulan ang lupa ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, ang bawat isa ayon sa kanyang uri sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.

12 At ang lupa ay sinibulan ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi ayon sa kanyang sariling uri at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, bawat isa ayon sa kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.

13 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikatlong araw.

14 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang ihiwalay ang araw sa gabi; at ang mga ito ay maging palatandaan para sa mga panahon, sa mga araw, at sa mga taon,

15 at ang mga ito ay maging tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.

16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang maghari sa araw at ang maliit na tanglaw ay upang maghari sa gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.

17 Ang mga ito ang inilagay ng Diyos sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa,

18 upang mamahala sa araw at sa gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.

19 Lumipas ang gabi at sumapit ang umaga nang ikaapat na araw.

20 Sinabi ng Diyos, “Hayaang bumukal mula sa tubig ang maraming nilalang na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit.”

21 Kaya't nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat at ang bawat nilalang na may buhay na gumagalaw na ibinukal ng tubig ayon sa kanya-kanyang uri at ang lahat ng ibong may pakpak, ayon sa kanya-kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.

22 At sila'y binasbasan ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.”

23 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalimang araw.

24 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ang lupa ng mga buháy na nilalang, ayon sa kanya-kanyang uri: ng mga hayop at mga nilalang na gumagapang, at ng maiilap na hayop sa lupa ayon sa kanya-kanyang uri.” At ito ay nangyari.

25 Nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, at maaamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, at ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.

26 Sinabi(C) ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.”

27 Kaya't(D) (E) nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y kanyang nilalang na lalaki at babae.

28 Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”

29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo.

30 Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain.” At ito ay nangyari.

31 Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikaanim na araw.

Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.

Nang(F)(G) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.

At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.

Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.

Roma 2:17-29

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,

18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,

19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,

20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;

21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?

22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?

23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?

24 “Sapagkat(A) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.

25 Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli.

26 Kaya't kung ang di-pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli?

27 Kaya't ang mga di-tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan.

28 Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman.

29 Kundi(B) ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001