Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36 ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
Ang Tore ng Babel
11 Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita.
2 Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon.
3 At sinabi nila sa isa't isa, “Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti.” At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento.
4 Sinabi nila, “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa.”
5 Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao.
6 At sinabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin.
7 Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa.”
8 Kaya't ikinalat sila ng Panginoon mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod.
9 Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.
Ang Makipot na Pintuan(A)
13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.
14 Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.
Sa Bunga Makikilala(B)
15 “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat.
16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?
17 Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.
18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at mamunga ng mabuti ang masamang puno.
19 Bawat(C) puno na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol, at itinatapon sa apoy.
20 Kaya't(D) makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001