Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 69:1-3

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.

69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
    Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
    ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
    at ang baha ay tumatangay sa akin.
Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
    ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
    sa kahihintay sa aking Diyos.

Mga Awit 69:13-16

13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
    sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
    sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14     sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
    at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
    mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
    ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
    ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.

16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
    ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.

Mga Awit 69:30-36

30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
    at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
    o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
    ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
    at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.

34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
    ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
    at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36     ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
    at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.

Genesis 4:1-16

Sina Cain at Abel

At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”

Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.

Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.

Nagdala(A) rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,

subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit[a] ang kanyang mukha.

Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit[b] ang iyong mukha?

Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”

Ang Pagpatay kay Abel

Sinabihan(B) ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.

At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”

10 Sinabi(C) niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.

11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.

12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”

13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.

14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”

15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.

16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.

Roma 2:1-11

Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos

Kaya't(A) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.

Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.

At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?

O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.

Kanyang(B) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:

sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;

samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.

Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;

10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:

11 sapagkat(C) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001