Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
Paghahanda sa Pananakop
1 Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, 2 “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. 3 Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. 4 Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. 5 Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. 6 Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. 7 Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. 8 Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. 9 Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”
25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(A) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.