Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:49-56

Pananalig sa Kautusan ni Yahweh

(Zayin)

49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
    pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
    pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
    ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
    ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
    yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
    ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
    Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
    kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.

Deuteronomio 5:22-6:3

22 “Ang(A) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.

Pinagharian ng Takot ang Lahat(B)

23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’

28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’

32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Pangunahing Utos

“Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.

2 Corinto 5:17-21

17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. 18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.

20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.