Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Exodo 23:10-13

Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw

10 “Anim(A) (B) na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.

12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.

13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.

Juan 7:40-52

Nagtalu-talo ang mga Tao tungkol sa Cristo

40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” 41 “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? 42 Hindi(A) ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” 43 Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. 44 Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya.

Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno

45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”

46 Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!”

47 “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. 48 “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!”

50 Isa(B) sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”

52 Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.