Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 20:1-4

Ang Sampung Utos(A)

20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“Huwag(B) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin.

Exodo 20:7-9

“Huwag(A) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.

“Lagi(B) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim(C) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin.

Exodo 20:12-20

12 “Igalang(A) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

13 “Huwag(B) kang papatay.

14 “Huwag(C) kang mangangalunya.

15 “Huwag(D) kang magnanakaw.

16 “Huwag(E) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

17 “Huwag(F) (G) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

Natakot ang mga Israelita(H)

18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”

20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.”

Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Filipos 3:4-14

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

Mateo 21:33-46

Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at mga Magsasaka(A)

33 “Pakinggan(B) ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.”

40 At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” 41 Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.”

42 Nagpatuloy(C) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan?

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
    at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’

43 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]”[a]

45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.