Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
Natapos na ang Toldang Tipanan(A)
32 Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon. 33 Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito; 34 ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing; 35 ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa. 36 Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos, 37 ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda. 39 Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 41 Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari. 42 Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. 43 Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea,[a] 2 kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!”
3 Itong(B) si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Sapagkat(C) sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” 5 Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo.
6 Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, 7 kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. 8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.