Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 122

Papuri sa Jerusalem

122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
    “Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
    “Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”

Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
    “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.

Daniel 9:15-19

15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal[a] na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.

17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong[b] nagiba at napabayaan. 18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”

Santiago 4:1-10

Huwag Ibigin ang Mundo

Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan. Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]

Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®