Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
17 Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihin sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, 18 magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin. 19 Siya ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.”[a]
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)
11 Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12 Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’
14 “Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15 Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17 Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’[a] 22 Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24 Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25 Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26 Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®