Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.
Ang Korona para kay Josue
9 Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[a] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[b] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[c] Tobia, Jedaya, at Josia[d] na anak ni Zefanias.”
15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.
Sinagot ni Pablo ang mga Akusasyon sa Kanya
10 Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan. 11 Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na 12 araw pa lang ang nakalipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba. 12 Ang mga Judiong itoʼy hindi kailanman nakakita sa akin na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggulo sa templo o sa sambahan ng mga Judio, o kahit saan sa Jerusalem. 13 Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin. 14 Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta. 15 Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin. 16 Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.
17 “Pagkalipas ng ilang taon na wala po ako sa Jerusalem, bumalik ako roon para magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at para maghandog sa templo. 18 At nadatnan nila ako roon sa templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Kakaunti lang ang mga tao sa templo nang oras na iyon, at walang kaguluhan. 19 Pero may mga Judio roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin. 20 At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsalita kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa kanilang Korte. 21 Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”
22 Dahil sa marami nang nalalaman noon si Felix tungkol sa pamamaraan ni Jesus, pinatigil niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko lang ang kasong ito kung dumating na rito si kumander Lysias.” 23 Pagkatapos, inutusan niya ang kapitan na bantayan si Pablo pero huwag higpitan, at payagan ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa mga pangangailangan niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®