Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.
Panawagan upang Manumbalik sa Dios
1 May sinabi ang Panginoon kay Propeta Zacarias noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia. Si Zacarias ay anak ni Berekia na anak ni Iddo. 2-3 Inutusan ng Panginoong Makapangyarihan si Zacarias na sabihin ito sa mga mamamayan ng Israel:
“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik[a] ako sa inyo. 4 Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. 5 Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. 6 Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7-8 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias sa pamamagitan ng isang pangitain. Nangyari ito noong gabi ng ika-24, buwan ng Shebat (ika-11 buwan), noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius. At ito ang ipinahayag ni Zacarias:
Nakita ko ang isang tao na nakasakay sa kabayong kulay pula na nakatigil sa isang patag na lugar na may mga puno ng mirto. Sa likuran niya ay may nakasakay sa kabayong pula, kayumanggi, at puti. 9 Itinanong ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?” At sinabi niya sa akin, “Ipapaliwanag ko sa iyo ang ibig sabihin nito.”
10 Ang taong nakatayo malapit sa mga puno ng mirto ang siyang nagpaliwanag sa akin. Sinabi niya, “Ang mga mangangabayong iyon ay ipinadala ng Panginoon upang umikot sa buong mundo.”
11 Sinabi ng mga mangangabayo sa anghel ng Panginoon na nakatayo malapit sa mga puno ng mirto, “Nalibot na namin ang buong mundo at nakita naming tahimik ito.”
12 Sinabi ng anghel ng Panginoon, “Makapangyarihang Panginoon, hanggang kailan nʼyo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang iba pang bayan ng Juda? May 70 taon na po kayong galit sa kanila.” 13 Ang isinagot ng Panginoon sa anghel ay magagandang salita at nakapagbigay ng kaaliwan.
14 At sinabi sa akin ng anghel na sabihin ko itong mga sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Totoong nagmamalasakit ako sa Jerusalem na tinatawag ding Zion, 15 pero matindi ang galit ko sa mga bansang nagpapasarap sa buhay. Hindi ako gaanong galit sa kanila noon, ngunit sila na rin ang nagpaningas ng aking galit sa kanila. 16 Kaya babalik[b] akong may awa sa Jerusalem, at itatayo kong muli[c] ang lungsod na ito pati na ang aking templo.”
17 Sinabi ng anghel na sabihin ko pa itong ipinapasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Uunlad muli ang aking mga bayan sa Juda. At aaliwin kong muli ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at muli ko itong ituturing na hinirang kong bayan.”
22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.
24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.
Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio
30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.
23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” 2 Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. 3 Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” 4 Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” 5 Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”
7 Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. 8 Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. 9 Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”
10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®