Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 98

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

Hageo 2:20-23

Ang Pangako ng Dios kay Zerubabel

20 Nang araw ding iyon,[a] muling nagsalita ang Panginoon kay Hageo. 21 Sinabi niya, “Sabihin mo kay Zerubabel na yayanigin ko ang langit at ang mundo. 22 Ibabagsak ko ang mga kaharian at wawakasan ang kapangyarihan nila. Ibubuwal ko ang kanilang mga karwahe at ang mga sakay nito. Mamamatay ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 At sabihin mo rin kay Zerubabel na aking lingkod na sa araw na iyon ay pamamahalain ko siya sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, dahil siya ay hinirang ko. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

2 Juan

Mula sa namumuno sa iglesya.

Mahal kong Ginang na pinili ng Dios, kasama ng iyong mga anak. Minamahal ko kayong tunay,[a] at hindi lang ako kundi ang lahat ng nakakakilala sa katotohanan. Minamahal namin kayo dahil sa katotohanang nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman.

Manatili sana sa atin ang biyaya, awa, at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo na kanyang Anak, habang namumuhay tayo sa katotohanan at pag-ibig.

Ang Katotohanan at Ang Pag-ibig

Labis ang kagalakan ko nang malaman ko na ang ilan sa mga anak mo ay sumusunod sa katotohanan, ayon sa iniutos sa atin ng Dios Ama. Kaya Ginang, hinihiling ko sa iyo ngayon na magmahalan tayong lahat. Hindi ito isang panibagong utos kundi ito rin ang utos na ibinigay sa atin noong una tayong sumampalataya. Makikita ang pag-ibig sa atin kung namumuhay tayo ayon sa mga utos ng Dios. At ang utos niya na narinig ninyo mula nang sumampalataya kayo ay ito: mamuhay tayo nang may pag-ibig.

Mahalaga ito, dahil marami nang nagkalat na manlilinlang sa mundo. Ito ang mga taong hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naging tao. Silaʼy mga manlilinlang at anti-Cristo. Mag-ingat kayo at nang hindi mawala ang inyong pinaghirapan, sa halip ay matanggap ninyo ang buong gantimpala.

Ang sinumang hindi sumusunod sa aral ni Cristo o nagtuturo pa ng labis dito ay hindi pinananahanan ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa aral ni Cristo ay pinananahanan ng Ama at ng Anak. 10 Kung may dumating man sa inyo na iba ang ipinangangaral tungkol kay Cristo, huwag nʼyo siyang tanggapin sa inyong tahanan, ni huwag nʼyo siyang batiin nang may pagpapala. 11 Sapagkat ang sinumang bumati sa kanya ng ganoon ay nakikibahagi sa masasama niyang gawain.

12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi ko na lang isusulat. Sapagkat umaasa akong makakadalaw ako riyan at makakausap kayo nang personal, upang malubos ang ating kagalakan.

13 Kinukumusta ka ng mga anak ng kapatid mong babae, na tulad moʼy isa rin sa mga pinili ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®