Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
137 Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo.
138 Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat.
139 Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140 Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod.
141 Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo.
142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan.
143 Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan.
144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako.
14 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking isasagawa ang mabuting salita na aking sinalita tungkol sa sangbahayan ni Israel, at tungkol sa sangbahayan ni Juda.
15 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, aking pasusuplingin kay David ang isang Sanga ng katuwiran; at siya'y magsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa lupain.
16 Sa mga araw na yaon ay maliligtas ang Juda, at ang Jerusalem ay tatahang tiwasay; at ito ang pangalan na itatawag sa kaniya: Ang Panginoon ay ating katuwiran.
17 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Si David ay hindi kukulangin kailan man ng lalake na mauupo sa luklukan ng bahay ng Israel;
18 Ni hindi kukulangin ang mga saserdote na mga Levita ng lalake sa harap ko na maghahandog ng mga handog na susunugin, at upang magsunog ng mga alay, at upang maghaing palagi.
19 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,
20 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung inyong masisira ang aking tipan sa araw, at ang aking tipan sa gabi, na anopa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang kapanahunan;
21 Ang akin ngang tipan ay masisira kay David na aking lingkod, na siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kaniyang luklukan; at sa mga Levita na mga saserdote na aking mga tagapangasiwa.
22 Kung paanong ang lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, o matatakal man ang buhangin sa dagat; gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na nagsisipangasiwa sa akin.
23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,
24 Hindi mo baga napupuna ang sinasalita ng bayang ito, na nagsasabi, Ang dalawang angkan na pinili ng Panginoon, ay kaniyang mga itinakuwil? ganito nila hinahamak ang aking bayan, upang huwag ng maging bansa sa harap nila.
25 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang aking tipan sa araw at sa gabi ay hindi manayo, kung hindi ko itinatag ang mga ayos ng langit at ng lupa;
26 Akin ngang itatakuwil din ang binhi ni Jacob, at ni David na aking lingkod, na anopa't hindi ako kukuha ng kanilang binhi na maging mga puno sa binhi ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob: sapagka't aking ibabalik sila na mula sa kanilang pagkabihag, at maaawa ako sa kanila.
1 Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Timoteo, na ating kapatid sa Iglesia ng Dios na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan;
4 Na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anomang kapighatian, sa pamamagitan ng pagaliw na inialiw din sa atin ng Dios.
5 Sapagka't kung paanong sumasagana sa atin ang mga sakit ni Cristo, ay gayon din naman ang aming kaaliwan ay sumasagana sa pamamagitan ni Cristo.
6 Datapuwa't maging kami man ay mapighati, ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o maging kami man ay maaliw ay para sa inyong kaaliwan, na siyang gumagawa sa pagdadalitang may pagtitiis ng mga gayon ding pagbabata na amin namang binabata:
7 At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo'y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan.
8 Hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, ng tungkol sa mga kapighatian namin na nangyari sa Asia, na kami ay totoong nabigatan, ng higit sa aming kaya, ano pa't kami ay nawalan na ng pagasa sa buhay:
9 Oo, kami'y nagkaroon sa aming sarili ng hatol sa kamatayan, upang huwag kaming magkatiwala sa amin ding sarili, kundi sa Dios na bumubuhay na maguli ng mga patay:
10 Na siyang sa amin ay nagligtas sa gayong lubhang malaking kamatayan, at nagliligtas: na siya naming inaasahan na siya namang magliligtas pa sa amin;
11 Kayo naman na nagsisitulong ng inyong panalangin na patungkol sa amin; upang dahil sa kaloob na ipinagkaloob sa amin sa pamamagitan ng marami, ay makapagpasalamat ang maraming tao dahil sa amin.
Public Domain