Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 66:1-12

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.

Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.

Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.

Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)

Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.

Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya.

Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)

Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:

Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.

10 Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.

11 Iyong isinuot kami sa silo; ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang.

12 Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo; kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig; nguni't dinala mo kami sa saganang dako.

Jeremias 25:1-14

25 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong bayan ng Juda nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda (siya ring unang taon ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia),

Na siyang sinalita ni Jeremias na propeta sa buong bayan ng Juda, at sa lahat ng nananahan sa Jerusalem, na sinasabi,

Mula nang ikalabing tatlong taon ni Josias na anak ni Ammon, na hari sa Juda, hanggang sa araw na ito, nitong dalawang pu't tatlong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at aking sinalita sa inyo na ako'y bumangong maaga, at nagsalita; nguni't hindi ninyo dininig.

At sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang lingkod na mga propeta na gumising na maaga, at sinugo sila (nguni't hindi ninyo dininig, o ikiniling man ninyo ang inyong pakinig upang mangakinig),

Na nangagsasabi, Magsihiwalay bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang masamang lakad, at sa kasamaan ng inyong mga gawa, at kayo'y magsitahan sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga magulang, mula nang una at hanggang sa magpakailan pa man;

At huwag kayong magsisunod sa ibang mga dios na mangaglingkod sa kanila, at magsisamba sa kanila, at huwag ninyo akong mungkahiin sa galit ng gawa ng inyong mga kamay, at hindi ko kayo sasaktan.

Gayon ma'y hindi kayo nangakinig sa akin, sabi ng Panginoon; upang mungkahiin ninyo ako sa galit, ng gawa ng inyong mga kamay sa inyong sariling ikapapahamak.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sapagka't hindi ninyo dininig ang aking mga salita,

Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko ang lahat na angkan sa hilagaan, sabi ng Panginoon, at ako'y magsusugo kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking dadalhin sila laban sa lupaing ito, at laban sa mga nananahan dito, at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot; at aking lubos na lilipulin sila, at gagawin ko silang katigilan, at kasutsutan, at mga walang hanggang kagibaan.

10 Bukod dito'y aalisin ko sa kanila ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang tunog ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.

11 At ang buong lupaing ito ay magiging sira, at katigilan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari sa Babilonia na pitong pung taon.

12 At mangyayari, pagkaganap ng pitong pung taon, na aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasamaan, at ang lupain ng mga Caldeo; at aking gagawing sira magpakailan man.

13 At aking gaganapin sa lupaing yaon ang lahat na aking salita na aking sinalita laban doon, lahat ng nakasulat sa aklat na ito, na inihula ni Jeremias laban sa lahat na bansa.

14 Sapagka't maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran nila, nila nga; at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

2 Timoteo 1:13-18

13 Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus.

14 Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.

15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.

16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;

17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.

18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain