Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 87

87 Ang kaniyang patibayan ay nasa mga banal na bundok.

Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion, ng higit kay sa lahat na tahanan ng Jacob.

Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios. (Selah)

Aking babanggitin ang Rahab at ang Babilonia na kasama ng mga nakakakilala sa akin: narito, ang Filistia at ang Tiro, pati ng Etiopia; ang isang ito ay ipinanganak diyan.

Oo, tungkol sa Sion ay sasabihin, ang isang ito at ang isang yaon ay ipinanganak sa kaniya; at itatatag siya ng Kataastaasan.

Sasalaysayin ng Panginoon, pagka kaniyang isinulat ang mga bayan, ang isang ito ay ipinanganak diyan. (Selah)

Silang nagsisiawit na gaya ng nagsisisayaw ay mangagsasabi, lahat ng aking mga bukal ay nangasa iyo.

Joel 3:9-16

Itanyag ninyo ito sa mga bansa: mangaghanda kayo ng digma; pasiglahin ninyo ang mga malakas na lalake; magsilapit ang lahat na lalaking mangdidigma, sila'y magsisampa.

10 Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit: magsabi ang mahina, Ako'y malakas.

11 Mangagmadali kayo, at magsiparito kayong lahat na bansa sa palibot, at magpipisan kayo: iyong pababain doon ang iyong mga makapangyarihan, Oh Panginoon.

12 Magpakasigla ang mga bansa, at magsisampa sa libis ni Josaphat; sapagka't doo'y uupo ako upang hatulan ang lahat na bansa sa palibot.

13 Gamitin ninyo ang karit; sapagka't ang aanihin ay hinog na: kayo'y magsiparito, at magsiyapak; sapagka't ang alilisan ng alak ay puno, ang kamalig ng alak ay inaapawan; sapagka't ang kanilang kasamaan ay malaki.

14 Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya! sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na sa libis ng pasiya.

15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang kislap.

16 At ang Panginoo'y aangal mula sa Sion, at palalakasin ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang langit at ang lupa ay mangayayanig: nguni't ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel.

1 Pedro 5:1-11

Sa matatanda nga sa inyo'y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag:

Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip;

Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan.

At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.

Gayon din naman, kayong mga kabataan, ay magsisuko sa matatanda. Oo, kayong lahat ay mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo'y maglingkuran: sapagka't ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.

Kaya't kayo'y mangagpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo'y kaniyang itaas sa kapanahunan;

Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya.

Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya:

Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanglibutan.

10 At ang Dios ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, pagkatapos na kayo'y makapagbatang sangdaling panahon, ay siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.

11 Sumasakaniya nawa ang paghahari magpakailan man. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain