Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Panaghoy 3:19-26

19 Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.

20 Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.

21 Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.

22 Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.

23 Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.

24 Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.

26 Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.

Jeremias 52:12-30

12 Nang ikalimang buwan nga sa ikasangpung araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, dumating sa loob ng Jerusalem si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, na tumayo sa harap ng hari sa Babilonia.

13 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at lahat ng mga bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, sinunog niya ng apoy.

14 At ang buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng kapitan ng bantay, nagbagsak ng lahat ng kuta sa Jerusalem sa palibot.

15 Nang magkagayo'y dinalang bihag ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, at yaong mga takas, na nagsitakas sa hari sa Babilonia, at ang nalabi sa karamihan.

16 Nguni't nagiwan si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, sa mga dukha sa lupain upang maging mga manguubasan at mga mangbubukid.

17 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, ang mga tungtungan, at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, pinagputolputol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat na tanso ng mga yaon sa Babilonia.

18 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga mankok, at ang mga kuchara, at lahat na sisidlan na tanso, na kanilang ipinangangasiwa, dinala nila.

19 At ang mga saro, at ang mga apuyan, at ang mga mankok, at ang mga palayok, at ang mga kandelero, at ang mga kuchara, at ang mga tasa, ang ginto sa ginto, at ang pilak sa pilak, dinala ng kapitan ng bantay.

20 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang labing dalawang torong tanso na nangasa ilalim ng mga tungtungan, na ginawa ng haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng sisidlang ito ay walang timbang.

21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labing walong siko; at isang pisi na labing dalawang siko ay naililibid doon; at ang kapal niyao'y apat na daliri: may guwang.

22 At isang kapitel na tanso ay nasa ibabaw niyaon; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot, taganas na tanso: at ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.

23 At mayroong siyam na pu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isang daan na yaring nilambat sa palibot.

24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraias na pangulong saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

25 At sa bayan ay kinuha niya ang isang oficial na inilagay niya sa mga lalaking mangdidigma; at pitong lalake sa kanila na nangakakita ng mukha ng hari, na nasumpungan sa bayan; at ang kalihim ng kapitan ng hukbo, na pumipisan ng bayan ng lupain, at anim na pung katao sa bayan ng lupain, na nangasumpungan sa gitna ng bayan.

26 At dinala sila ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

27 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at ipinapatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Gayon nadalang bihag ang Juda, mula sa kaniyang lupain.

28 Ito ang bayan na dinalang bihag ni Nabucodonosor nang ikapitong taon, tatlong libo at dalawang pu't tatlong Judio:

29 Nang ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor ay nagdala siya ng bihag na mula sa Jerusalem na walong daan at tatlong pu't dalawang tao:

30 Nang ikadalawang pu't tatlong taon ni Nabucodonosor ay nagdala ng bihag sa mga Judio si Nabuzaradan na kapitan ng bantay na pitong daan at apat na pu't limang tao: lahat na tao ay apat na libo at anim na raan.

Pahayag 2:12-29

12 At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim:

13 Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas.

14 Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid.

15 Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita.

16 Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig.

17 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.

18 At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli:

19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una.

20 Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan.

21 At binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; at siya'y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid.

22 Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa.

23 At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.

24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan.

25 Gayon ma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y pumariyan.

26 At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa:

27 At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama:

28 At sa kaniya'y ibibigay ko ang tala sa umaga.

29 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain