Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 87

87 Ang kaniyang patibayan ay nasa mga banal na bundok.

Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion, ng higit kay sa lahat na tahanan ng Jacob.

Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios. (Selah)

Aking babanggitin ang Rahab at ang Babilonia na kasama ng mga nakakakilala sa akin: narito, ang Filistia at ang Tiro, pati ng Etiopia; ang isang ito ay ipinanganak diyan.

Oo, tungkol sa Sion ay sasabihin, ang isang ito at ang isang yaon ay ipinanganak sa kaniya; at itatatag siya ng Kataastaasan.

Sasalaysayin ng Panginoon, pagka kaniyang isinulat ang mga bayan, ang isang ito ay ipinanganak diyan. (Selah)

Silang nagsisiawit na gaya ng nagsisisayaw ay mangagsasabi, lahat ng aking mga bukal ay nangasa iyo.

Joel 3:17-20

17 Sa gayo'y inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios, na tumatahan sa Sion, na aking banal na bundok: kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem, at hindi na daraan pa sa kaniya ang mga taga ibang lupa.

18 At mangyayari sa araw na yaon, na ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay aagusan ng gatas, at ang lahat na batis ng Juda ay aagusan ng mga tubig; at isang bukal ay babalong sa bahay ng Panginoon, at didiligin ang libis ng Sittim.

19 Ang Egipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagka't sila'y nagbubo ng walang salang dugo sa kanilang lupain.

20 Nguni't ang Juda'y tatahan magpakailan man, at ang Jerusalem ay sa sali't saling lahi.

Mateo 21:28-32

28 Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan.

29 At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon.

30 At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon.

31 Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama? Sinabi nila, Ang una. Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Dios.

32 Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; datapuwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain