Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Inilagay ang mga Batong Alaala
4 At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3 at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4 Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7 Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
8 Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.
9 At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.
10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.
11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.
12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.
13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.
14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”
17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”
18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.
19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.
20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.
21 At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’
22 Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’
23 Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;
24 upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.
13 At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
14 Sapagkat(A) kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio.
15 Sila(B) ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay-lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao,
16 at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan.
Nais ni Pablo na Muli Silang Dalawin
17 Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan.
18 Sapagkat nais naming pumunta sa inyo—lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik—ngunit hinadlangan kami ni Satanas.
19 Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo?
20 Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001