Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Ang Ikapitong Taong Sabbath
10 “Anim(A) na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon;
11 subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo.
12 “Anim(B) na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga.
13 Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig.
40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”
41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?
42 Hindi(A) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”
43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.
44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.
Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”
46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”
47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?
48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?
49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”
50 Sinabi(B) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),
51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”
52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001