Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Gintong Guya(A)
32 Nang(B) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”
2 At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”
3 Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4 Kanyang(C) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”
6 Kinaumagahan,(D) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8 Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”
11 Ngunit(E) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13 Alalahanin(F) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”
14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
19 Sila'y(A) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.
3 Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.
5 Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.
6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.
7 At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.
9 Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,
2 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’
5 Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.
6 Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.
7 Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
9 Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’
10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.
12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.
13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001