Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kamatayan ni Moises
34 Pagkatapos ay umakyat si Moises sa bundok ng Nebo mula sa mga kapatagan ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buong lupain ng Gilead hanggang sa Dan,
2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat sa kanluran,
3 ang Negeb at ang kapatagan ng libis ng Jerico na lunsod ng mga puno ng palma hanggang sa Zoar.
4 At(A) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ito ang lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na sinasabi, ‘Aking ibibigay sa iyong binhi;’ aking ipinakita sa iyo, ngunit hindi ka daraan doon.”
5 Kaya't si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.
6 Kanyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Bet-peor; ngunit walang sinumang tao ang nakakaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.
7 Si Moises ay isandaan at dalawampung taong gulang nang siya'y mamatay. Ang kanyang mata'y hindi lumabo, ni ang kanyang likas na lakas ay humina.
8 At ipinagluksa ng mga anak ni Israel si Moises nang tatlumpung araw sa mga kapatagan ng Moab, at natapos ang mga araw ng pagtangis at pagluluksa para kay Moises.
9 Si Josue na anak ni Nun ay puspos ng espiritu ng karunungan, sapagkat ipinatong ni Moises ang kanyang mga kamay sa kanya. Pinakinggan siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 At(B) wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon nang mukhaan.
11 Walang tulad niya dahil sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghang iniutos ng Panginoon na gawin niya sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kanyang mga lingkod, at sa kanyang buong lupain,
12 at dahil sa makapangyarihang kamay at sa dakila at kakilakilabot na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica
2 Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2 Bagaman(A) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
3 Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,
4 kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.
5 Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;
6 ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.
7 Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.
8 Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.
Ang Dakilang Utos(A)
34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[a] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.
35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.
36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”
37 At(B) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’
38 Ito ang dakila at unang utos.’
39 At(C) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’
40 Sa(D) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(E)
41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,
42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”
43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,
44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?
45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”
46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001