Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno
97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
ang maraming pulo ay matuwa nawa!
2 Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
3 Apoy ang nasa unahan niya,
at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
4 Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
8 Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.
10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.
Lumayo ang Panginoon sa Israel
33 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises, “Humayo ka, umakyat ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong inilabas mula sa lupain ng Ehipto, patungo sa lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na aking sinasabi, ‘Sa iyong mga anak at inapo ay aking ibibigay iyon!’
2 Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at aking palalayasin ang mga Cananeo, mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
3 Pumunta ka sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, ngunit hindi ako pupuntang kasama ninyo, baka ikaw ay lipulin ko sa daan, sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.”
4 Nang marinig ng taong-bayan ang masasamang balitang ito ay tumangis sila, at walang taong nagsuot ng kanyang mga palamuti.
5 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kayo'y isang bayang matigas ang ulo; kung ako'y aakyat na kasama ninyo nang sandali, ay malilipol ko kayo. Kaya't ngayo'y alisin ninyo ang inyong mga palamuti upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo.’”
6 Kaya't hinubad ng mga anak ni Israel ang kanilang mga palamuti, magmula sa bundok ng Horeb.
13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.
15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.
16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.
17 Mga(A) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.
18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.
19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.
20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,
21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001