Revised Common Lectionary (Complementary)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
40 Ating subukin at suriin ang ating mga lakad,
at manumbalik tayo sa Panginoon!
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay
sa Diyos sa langit:
42 “Kami ay sumuway at naghimagsik,
at hindi ka nagpatawad.
43 “Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami;
na pumapatay ka nang walang awa.
44 Binalot mo ng ulap ang iyong sarili
upang walang panalanging makatagos.
45 Ginawa mo kaming patapon at basura
sa gitna ng mga bayan.
46 “Ibinuka ng lahat naming mga kaaway
ang kanilang bibig laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak.
48 Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha
dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.
49 “Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga,
50 hanggang sa ang Panginoon ay tumungo at tumingin mula sa langit.
51 Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa,
dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod.
52 “Ako'y tinugis na parang ibon,
ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan.
53 Pinatahimik nila ako sa hukay
at nilagyan ng bato sa ibabaw ko.
54 Ang tubig ay lumampas sa aking ulo;
aking sinabi, ‘Ako'y wala na.’
55 “Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O Panginoon,
mula sa kalaliman ng hukay;
56 pinakinggan mo ang aking pakiusap! ‘Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo,
mula sa paghingi ko ng tulong!’
57 Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo;
iyong sinabi, ‘Huwag kang matakot.’
58 “Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O Panginoon,
tinubos mo ang aking buhay.
Sa Malta
28 Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.
2 Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw.
3 Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.
4 Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.”
5 Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan.
6 Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos.
7 Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw.
8 Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya.
9 Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.
10 Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001