Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos
Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”
52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
Sa buong araw
2 ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
ikaw na gumagawa ng kataksilan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
O ikaw na mandarayang dila.
5 Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
6 Makikita ng matuwid, at matatakot,
at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
7 “Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
at nagpakalakas sa kanyang nasa.”
8 Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
sa harapan ng mga banal.
Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem
24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.
2 Sinabi(A) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.
11 Nang(A) kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay.
12 Sinugo(B) ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana.
13 At(C) aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’
14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.
15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.
17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.
18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”
19 Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa Panginoon sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan.
20 Kapag inyong tinalikuran ang Panginoon at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.”
21 At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
22 At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang Panginoon upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.”
23 Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Diyos ng Israel.”
24 At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang Panginoon nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.”
25 Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem.
26 Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon.
27 Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.”
28 Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(A) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(B) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(C) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(D) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(E) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(F) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(G) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001