Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Ang Hatol ng Diyos sa Israel
6 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak,
at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas—
7 kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa,
at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba;
at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga,
kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana,
sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla;
at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak
na binili mula sa multa na kanilang ipinataw.
9 “Gayunma'y(A) nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila,
na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro,
at kasinlakas na gaya ng mga ensina;
nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim.
10 Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto,
at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang,
upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo.
11 At(B) pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta,
at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita.
Di ba gayon, O bayan ng Israel?” sabi ng Panginoon.
Ang Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.
2 Sapagkat(B) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.
3 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?
4 O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?
5 Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001