Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 11:18-21

18 “Kaya't(A) inyong ilalagak ang mga salita kong ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo.

19 Ituturo ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak, na inyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.

20 At isusulat mo ang mga iyon sa mga hamba ng pinto ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan:

21 upang dumami ang inyong mga araw at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.

Deuteronomio 11:26-28

26 “Inilalagay ko sa harapan ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;

27 ang pagpapala, kung inyong diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniutos sa inyo sa araw na ito;

28 at ang sumpa, kung hindi ninyo diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, kundi lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga diyos, na hindi ninyo nakilala.

Mga Awit 31:1-5

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
    huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
    iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
    iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
    isang matibay na muog upang ako'y iligtas.

Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
    alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
    sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
    O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.

Mga Awit 31:19-24

19 O napakasagana ng kabutihan mo,
    na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
    sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
    sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
    mula sa palaaway na mga dila.

21 Purihin ang Panginoon,
    sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
    sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
    “Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
    nang ako'y dumaing sa iyo.

23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
    Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
    ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
    kayong lahat na umaasa sa Panginoon!

Roma 1:16-17

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo

16 Sapagkat(A) hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.

17 Sapagkat(B) dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a]

Roma 3:22-28

22 ang(A) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,

23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;

24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;

25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;

26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[a]

27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.

28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

Roma 3:29-31

29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;

30 yamang(A) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.

Mateo 7:21-29

Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(A)

21 “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’

23 At(B) kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’

Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(C)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.

25 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato.

26 Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan.

27 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak.”

28 At(D) nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral;

29 sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001