Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos
Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”
52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
Sa buong araw
2 ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
ikaw na gumagawa ng kataksilan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
O ikaw na mandarayang dila.
5 Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
6 Makikita ng matuwid, at matatakot,
at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
7 “Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
at nagpakalakas sa kanyang nasa.”
8 Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
sa harapan ng mga banal.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Pagkatapos(A) ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa Panginoong Diyos ng Israel,
31 gaya(B) ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan.
32 Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel.
33 At(C) ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng Panginoon na kanilang basbasan ang bayan ng Israel.
34 Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.
35 Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila.
Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos
2 Kaya't(A) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.
2 Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.
3 At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?
4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
5 Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.
6 Kanyang(B) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:
7 sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;
8 samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.
9 Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;
10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:
11 sapagkat(C) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001